"Dyamante ng Pag-ibig"
Jamaica Fayette V. Lopez
Noong unang panahon, masayang naninirahan sa tahimik at masiglang komunidad ng "Faeries Hill" ang mga mamamayan. Pinaniniwalaang sa ilalim ng bundok naninirahan ang mga engkanto na siyang nagproprotekta sa komunidad mula sa mga hagupit ng kalamidad sa matagal ng panahon. Pinaniniwalaan at nirerespeto ng mga tao ang mga nilalang na ito at sila'y naniniwalang nakakahalubilo rin nila ang mga engkanto dahil maaari silang mag-anyong tao. Sa komunidad ay kilalang kilala si Gwen bilang pinakamaganda at pinakamaamong dalaga sa kanyang henerasyon. Kinaiingitan ang mala perlas niyang kutis, matingkad na kulay ng itim at paalon-along buhok hanggang beywang at ang kanyang mabuting katangian. Gayunpaman, si Gwen ay laging nasa bahay at inaalagaan ang kanyang ama mula ng pumanaw sa sakit ang ina. Ilang masugid na manliligaw na ang kanyang tinanggihan dahil sa ayaw niyang iwanang mag-isa ang ama.
Isang gabi, sa ilalim ng kabilugan ng buwan ay umakyat sa lupa ang prinsipe ng mga engkanto. Nakasakay siya sa kanyang puting kabayo na mayroong pakpak na animo'y kumukislap kapag tinatamaan ng sinag ng buwan. Ang kanyang dinadaanan ay kumikintab din tulad ng mga dyamante at bahagyang magpapaikot-ikot ang kanyang paglipad ng bigla na lamang ay narinig niya ang tinig ng isang dalaga na parang siya ay dinuduyan at ginagawang dalisay ang kanyang puso. Sinundan niya ang awitin hanggang mapadpad siya sa isang tahanang kulay dagat at doo'y nasilayan niya mula sa munting bintana ang kumakantang si Gwen. Para siyang natamaan ng pana ni Kupido ng makita niya ang malaanghel nitong mukha. Nais niyang makilala ito kaya hinintay niyang makatulog ang dalaga upang makausap ito sa panag-inip.
Naglalakad si Gwen sa gitna ng mga bulaklak sa ilalim ng bilog at maliwanag na buwan. Pinagmasdan niya ito hanggang may naaninag siyang anino sa buwan na parang isang hayop na lumilipad. Ito ay palapit ng palapit ng mapagtanto niyang ito ay isang kabayong may pakpak na kumikislap. Sakay ng kabayo ang isang binatang hindi niya pa kailanman nakita sa komunidad. Ito ay kaakit-akit at may kulay abong buhok at matang kasingkulay ng malalim na karagatan. Tinitingnan siya nito hangga't ito'y pumanaog sa lupang kinatatayuan niya. Malaperlas ang ngipin nitong nakita ng ito'y ngumiti at nakakatunaw ang titig ng bughaw niyang mata. 'Gumising ka! Nais kitang makilala.' wika nito. Walang anu-ano'y biglang tumibok ang kanyang puso at napamulat. Pinagpapawisan siyang nagising at dali-daling tinungo ang hagdan upang makababa. Pagkalabas niya'y napasagap siya ng hangin ng makita ang lalaki sa kanyang panaginip at ang kabayo nito. 'Pa-paano?', natataranta niyang sabi habang nakangiti lamang ang nilalang. 'Ako si Seres.Nais kitang makilala.' Kahit kinakabahan at hindi sigurado ay sumagot siya, 'ak-ako si Gwen'. Hindi pinalampas ni Seres ang pagkakataon at kinausap niya ito ng masinsinan. Sinabi niya ang katotohanang siya ay engkanto. Sila ay nag-usap hangga't nais ng magpahinga ni Gwen. Magaan ang loob ni Gwen kay Seres kung kaya'y halos gabi-gabi ay pumapayag siyang makipag-usap dito.
Isang gabi, sa ilalim ng mahiwagang buwan ay nag-usap sila ng masinsinan. 'Gwen, kilala na natin halos ang isa't isa at alam kung mahal kita. Papayag ka bang maging imortal tulad ko at mamuhay sa aking kaharian?', wika ni Seres. Napa-isip si Gwen. ' Kung ako ang tatanungin ay sasagutan kita ng oo, subalit ako'y may pinakamamahal na ama at mahina na siya. Ayaw ko siyang mag-isa at maiwang malungkot'. May halong lumbay ang sagot ni Gwen. 'Ibibigay ko sa iyo ang dyamante mula sa araw at ang aking sarili. Sumama ka lamang sa akin at iwan ang mundong ibabaw'. Walang anu-ano'y lumipad si Seres patungo sa araw at kumuha ng mga sinag nito at ito'y naging dyamante. 'Ito aking mahal, walang halagang papantay at ito'y aking inaalay mapasakin ka lamang,' wika niya ng ipakita ito kay Gwen. Halos maiyak at tumanggi ang dalaga dahil hindi niya maiwan ang ama. Muling lumipad ang prinsipe at siya'y tumungo sa buwan upang kumuha ng mga luha mula rito at i-alay ito kay Gwen.'Heto, aking mahal. Ito'y luha ng Buwan. Walang makakapantay na halaga. Alay ko mapasakin ka lamang.' Muli ay tinaggihan ito ni Gwen. 'Ito ba'y kulang aking sinta?.' may hinagpis sa tinig ni Seres. 'Seres, hindi matutumbasan ng mga dyamante ang pagmamahal ko sa aking ama.' Subalit ay muling lumipad si Seres upang tunguhin ang kailaliman at kaibuturan ng karagatan upang kunin ang kapiraso ng puso nito at i-alay kay Gwen. Muli ay inabot niya ito.' Ang mga dyamanteng ito ay mula sa puso ng karagatan. Inaalay ko ito para sa iyo mapasakin ka lamang.' Nagsusumamong umiyak si Gwen, 'Seres, aking sinta, walang dyamanteng magpapapayag sa aking lumisan sa aking tirahan.' Nagalit si Seres sa kanyang narinig mula kay Gwen at tinapon ang tatlong klaseng dyamanteng nagpakalat kalat sa kanilang bakuran. 'Kung gayo'y di mo ko lubusang mahal para iwan ang lupang ibabaw. Minsan lang ako nagmahal ng labis Gwen at sa iyo ko lang kayang gawin iyon. Kaya kong ibigay ang lahat subalit hindi mo ako kayang tanggapin '. Wala ng nagawa si Gwen kundi panooring maglaho sa hangin si Seres at masulyapan sa huling pagkakataon ang mukha nito. Pagkatingin ni Gwen sa kanyang paanan ay nagsitubo ang mga dyamante bilang mahalimuyak at magagandang rosas na nuon pa lang niya nakita. Patuloy ang pag-agos ng kanyang luha habang pinapanood ang mga ito. Pumatak ang puno ng hinagpis niyang luha sa pagkawala ng kanyang minamahal. Bigla na lamang ay may tinig siyang narinig, 'Ang mga rosas na iyan ay maging paalala man lang ng nasayang nating pag-ibig.' kasabay ng malamig na hangin na saglit na humalik sa kanyang pisngi.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento